About Me

My photo
Olongapo City/ Subic/ Quezon City/Alabang, Central Luzon/ NCR, Philippines
Mom. Wife. Teacher.

Monday, December 31, 2018

Bagong Taon


Pagdating sa dulo ay bagong simula
Ang nakalipas na taon ay nagpaalam na.
Pighati ng nakaraan ay nalampasan mo na
Pag-asang hatid ay nariyan na

Ningas Kugon ay huwag tayong maging
Puno lamang ng pangako habang nasa piging
Baguhin ang mali at ang buluktot ay ituwid
Kapayapaan at kaligayahan sa kapwa'y ipabatid

Aking hiling sa bagong taon
Ang naghihirap ay makaahon
Ang lugmok ay muling makabangon
Ang nakikitil ay makakawala sa kahon

Ano mang minimithi ng iyong puso
Makamtan mo nawa ng buong buo
Ano mang pangarap ay abot kamay mo
Maniwalang ang bagong taon ay para sa iyo.

By: Vmmcc
Dec. 31, 2018

Wednesday, December 26, 2018

Takip Silim

Sa masalimuot na paglalakbay 
Nitong ating buhay
Lahat ay nakahandang ialay
Para sa inaasam na tagumpay

Lasapin ang liwanag at sikat ng araw
Upang mapawi ang pusong uhaw
Sa bawat ilog, paa'y magtampisaw
Sa mapuputing ulap ay makipag-ulayaw

Sa dakong paroon at parito
Saan nga ba tayo patungo?
Daang sanga-sanga at paliko-liko
Sadyang nakakalito at nakakaliyo



Pagdating ng takip-silim
At sa paglalim ng dilim
Mga paang naglalakbay ay mapapagod din
Dalangin sa may Kapal manalig na didinggin

Kapayapaan sa puso'y siya ring mananaig
Pagkatapos lakbayin ang mga sulok ng daigdig
Magwawakas din ang malayong pagliligalig
Sa Diyos at pamilya'y laan ang wagas na pag-ibig

Written by: Vmmcc
December 26, 2018