About Me

My photo
Olongapo City/ Subic/ Quezon City/Alabang, Central Luzon/ NCR, Philippines
Mom. Wife. Teacher.

Saturday, April 27, 2013

TALAMBUHAY AT KAISIPAN SA KASAYSAYAN: PAGTUON KAY CAMILO OSIAS, 1889-1976


 INTRODUKSYON

Mula sa kahulugan ng talambuhay na tala ng buhay[1], naglalaman ang pananaliksik na ito ng mga tala ng kaganapan sa buhay ng paksa na si Camilo Osias. Kinapapalooban ito ng mga pag-unlad ng kanyang mga kaisipan bilang isang intelektuwal sa konteksto ng kasaysayan ng bansa. Dalawa ang kalikasan ng talambuhay na ito, pumapaksa ang unang kabanata ukol sa mga kaganapan sa kanyang buhay mula 1889-1976; at pag-unlad ng kanyang mga kaisipan ang ikalawang kabanata.


Kronolohiya ng mananaliksik: Si Osias, ang kanyang talambuhay at mga idea batay sa mga elemento ng kasaysayan




Si Osias bilang isang Residenteng Komisiyonado
Osias, Camilo Osias: The Story of A Long Career of Varied Tasks, 176.


Binabalangkas ang ikalawang kabanata ng paglilinaw sa mga konsepto ng kaisipan, pulitiko at intelektuwal batay sa pagbibigay kahulugan at diskurso sa kahulugan ng pantas, paham at dalubhasa na mga salitaang taal sa kultura at kabihasnan ng bansa. Nais talakayin sa ikalawang kabanata ang pagiging isang pantas-paham-dalubhasa ni Osias sa pamamagitan ng kanyang mga ambag sa kaalaman na mauugat sa kanyang mga isinulat na aklat, mga manuskript, mga sanaysay, mga talumpati at iba pang mga dokumento na siya ang may akda.
Gagamiting batayan ang ginawang pagsusuri ukol sa sa Pilosopiyang Pilipino ni Napoleon M. Mabaquiao.[2] Ayon sa kanya matagal na ang Pilosopiyang Pilipino, resulta ito ng pamimilosopiya ng isang tao na may taglay na kamalayang Pilipino. Mayroon siyang anim na batayan na ginamit, kinabibilangan ito ng mga sumusunod:
1.      Pilipino ang isang Pilosopiya kung humuhubog ito ng ideolohiyang Pilipino
2.      Pilipino ang isang pilosopiya kung humuhubog ito ng etikang Pilipino.
3.      Pilipino ang isang Pilosopiya kung katutubong Pilipino ang mga kategoryang ginamit sa pamimilosopiya
4.      Pilipino ang Pilosopiya kung pinapahayag ito sa wikang Filipino
5.      Pilipino ang isang Pilosopiya kung Filipino ang pagkamamamayan ng namimilosopiya
6.      Pilipino ang isang Pilosopiya kung ang Pilipino ang kamalayang taglay ng namimilosopiya.
Batay sa mga ito, maituturing na bahagi si Osias ng namuong tradisyon ng Pilosopiyang Pilipino. Maiaatas dito kung gayon ang kanyang pagiging isang intelektuwal na siyang pangunahing paksa ng ikalawang kabanata. Binuwag din ng pagsusuring ito ni Mabaquiao na bagaman wikang Ingles ang ginamit ni Osias sa kanyang mga akda, hindi ito nangangahulugan ng hindi pagkaPilipino ng kanyang mga kaisipan. Kinapapalooban din ang ikalawang kabanata ng mga kaisipan ni Osias na dahilan upang ikategorya siya sa hanay ng mga inidibiduwal na maaring maging paksa ng isang pananaliksik hinggil sa kasaysayang ng mga kaisipan.
Ginagamit ni Osias ang Filipino na nagsisimula sa letrang F sa kanyang mga akda bilang pantukoy sa mamamayan ng bansang Pilipinas at bilang pantukoy sa Wikang Pambansa. Hindi niya sinasang-ayunan ang paggamit ng salitang ‘Pilipino’ sapagkat lumalayo ito sa orihinal na salitang ginamit ni Jose Rizal upang tukuyin ang “patria” bayang tinubuan at gayundin naman ang wika. Lumalayo rin ito sa orihinal na anyo ng pangalan na ibinigay sa bansa bilang pagkilala kay Haring Felipe II ng Espanya. Kung kaya naman para sa papel na ito gagamitin ng may akda ang Filipinas sa layunin maging matapat sa mga akda ni Osias. Gayunpaman, gagamitin ng mananaliksik ang salitang Pilipinas, at Pilipino sa mga pagkakataong ang mananaliksik ang nagbibigay ng pahayag bilang pagsunod sa kasalukuyang anyo ng wika na ating ginagamit, Pilipino na tumutukoy sa mamamayan at Filipino naman bilang pangtukoy sa wika.
Binubuo ang mga  nasabing kaisipan ng kanyang (a) Ang Pilosopiyang Pluralisado: Ang Dalumat ng Datayo, 1940-1976; (b) Edukasyon Bilang Gabay Tungo sa Kamalayang Pangdaigdig, 1954-1976; (c) Ang Dalumat ng Banal na Ekonomiya Bilang Katangiang  Ispirituwal ng mga Filipino, 1968-1976.


Dayagram ng mananaliksik: Pagtutuhog ng mga kaisipan


May mga ilang pananaw na nagsasabi na kadalasang naisasagilid ang pag-aaral ng talambuhay sa disiplina ng kasaysayan. Isang dahilan nito ay ang kronolohikal o pre-determined na balangkas na hindi tumutugon sa mga pagbabagong napapaloob sa kasaysayan sa loob ng mahabang panahon.[3] Gayunpaman isang pananaw na maaring tingnan hinggil dito ang konsepto ng panahon sa kasaysayan ayon kay Fernand Braudel.[4]
Hinati ni Braudel ang panahon sa tatlong sapin: una, ang longue duree na sumasaklaw sa mga pagbabagong heograpikal at klima na umaabot sa humigit kumulang daang-daan hanggang milyong taon; ikalawa, ang social time na pagtalakay sa mga pagbabago sa pulitika, ekonomiya at demograpiya, maari itong maganap muli sa paulit-ulit na pagbabago ng panahon; ikatlo ang konsepto ng individual time na batay sa pagkaunawa ng isang indibiduwal sa araw-araw na pamumuhay, panaginip, superpisyal na kamalayan sa nakalipas; at pag-unawa ng mga manunulat sa pahayagan at talaarawan. Batay sa mga pagsasakategorya ni Braudel magkakaugnay ang mga maliliit na pangyayari sa nakalipas tulad ng araw-araw ng kaganapan sa buhay ng indibiduwal at pangmatagalang pagbabago sa mga institusyon at lipunan.[5]
Isa rin si Charles Wright Mills sa mga sumang-ayon sa ganitong pananaw. Ayon sa kanya, magkaugnay ang pag-aaral ng indibiduwal sa pag-aaral ng lipunan.[6] Buhat sa akda niya na The Sociological Imagination, ang kakayanang iugnay ang kuwento ng buhay ng indibiduwal sa malawak na kasaysayan ng kanyang lipunan ang isa sa mga mahalagang ambag sa pagsusulat ng kasaysayan.[7] Nakakatulong ang konsepto ng sociological imagination sa pag-unawa ng kasaysayan at talambuhay at naging ugnayan nito sa loob ng lipunan. Mula sa ganitong pananaw makikita ang ugnayan sa pagitan ng social time at individual time ni Braudel. Batay sa paliwanag naipapakita ng hindi dapat isagilid ang talambuhay tungo sa pag-aaral ng kasaysayan.
Ito ang dahilan kung bakit napili ng may akda ang paksang ito. Maituturing na may kamalayan si Camilo Osias sa kanyang gampanin sa pagbuo ng kasaysayan na mababanaag sa kanyang talambuhay.
Sinikap na iugnay ang kalagayang panlipunan at talambuhay sa pamamagitan ng mga kaganapan sa personal na buhay at kalagayang panlipunan na kinapapalooban ni Osias. Paano nakaapekto sa kamalayang indibiduwal at panlipunan ang idinulot na mga pagbabago sa antas ng kultura, wika, paniniwala at kaisipan noong Panahon ng Amerikano?  Paano ginamit ang edukasyon bilang magkasalungat na layunin ng pagbabahagi ng kaalaman at pagsupil sa mga pag-aalsa laban sa mga Amerikano?
Tinugunan ni Osias ang hamon ng kanyang lipunan batay sa mga edukasyong tinanggap buhat sa mga Amerikano. Ang pagsisiyasat sa mga kaisipan ni Osias batay sa mga akda nito ang nagbigay ng katangiang kasaysayang intelektuwal para sa pananaliksik na ito. Malaki ang naging gamapanin niya sa umiral na filipinism at filipinization noong Panahon ng Amerikano.[8] Bunsod ito ng patakarang Filipino-centric scholarship na pinairal sa mga institusyon ng edukasyon.[9]
Ayon din kay Leopoldo Yabes, ang puwang na iniwan ng humihinang klerikal na intelektuwalisasyon noong panahon ng Espanyol ang nagbigay daan sa pagpasok ng tradisyong sekular na intelektuwalisasyon.[10] Bagaman nagsimula na ito noong panahon ng mga propagandista higit itong tumatag sa tutelehiya ng mga Amerikano. Ang American-Filipino Partnership ang pumalit sa umiral na tradisyong master-slave noong panahon ng mga Espanyol.[11] May ibang pananaw din na nagsasabi na naging bahagi si Osias sa namuong disidentified nationalism kung saan ginamit niya ang minanang kanluraning edukasyon para itaguyod ang kasarinlan ng bansa. Bumuo ng naiibang uri ng nasyonalismo ang mga karanasan ni Osias buhat sa kanyang kabataan noong panahon ng rebolusyon, ang kanyang edukasyon buhat sa mga Amerikano at mga kontribusyon sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas. Naisasalaysay ng mga ito ang karanasan ng isang Pilipinong guro na humugot ng impluwensiya mula sa kanluran at gayundin naman buhat sa sariling atin bilang pamamaraan ng pagpasok sa mundo ng mga imperyalista habang intinataguyod ang interes ng bansa. Ayon kay Sintos isang uri ng nasyonalismo ang namuo noong mga panahong ito na kanyang tinawag bilang disidententifying nationalism o iyong uri ng nasyonalismo na hindi tinatalikdan ang mag pagbabagong dulot ng pagdating ng mag Amerikano subalit hindi rin naman tinatalikdan ang sentimiyento sa kalayaan at kulturang Pilipino na siyang magdudulot ng mainam na kasangkapan para sa kapayapaan at kasarinlan. Tinasa ito ni Sintos sa pamamagitan ng mga tinawag niyang cultural materials na nagsisilbing ebidensya tulad ng mga dokumento, libro, mga  larawan, mga kasuotan, mga kaugalian at tradisyon na nagbibgay konteksto sa isang instusyon o inidIbidwal sa loob ng piling panahon o socio-historical context’. [12]   
Ano-ano nga ba ang mga pagbabagong dulot sa lipunang Pilipino noong dantaon 20? Nagbunsod ng panibagong henerasyon ng mga intelektuwal ang okupasyon ng mga Amerikano sa Pilipinas.[13] Ang sistema ng edukasyon na kanilang ipinakilala ang naging daan upang makagisnan ng mga kabataan at mamamayang Pilipino ang kanilang pamumuhay. [14]
Nakaimpluwensya ang sistema at wikang ito sa paghubog ng kaisipan, kamalayan at intelektuwalisasyon ng mga Pilipino noong unang bahagi ng ikadalawampung siglo. Isang epektibong pamamaraan na ginamit ang pagpili sa mga kalipikado na mag-aaral upang maging pensionados ng pamahalaang Amerika.
Ayon kay Resil Mojares, ang idinulot na panahon ng kapayapaan at pagkakataon para sa mga Pilipino na makilahok sa mga gawaing panlipunan ang bumuo sa mga post-revolutionary intelligentsia.  Sina Tedoro M. Kalaw (1884-1940), Maximo Kalaw (1891-1955), Conrado Benitez (1889-1971), Camilo Osias (1889-1976) at Leandro H.  Fernandez (1889-1948) ang ilan sa mga naging bahagi ng intelektuwal na ito. Sila ang bumuo ng gitnang uri o middle-class na karamihan ay mga pensionado (bukod kay Teodoro Kalaw) at produkto ng Amerikanong edukasyon subalit aktibo pa ring nakilahok sa mga kampanya para sa indepensiya sa Asambleya at mga Misyong Pangkasarinlan..[15]
Kung pinapaksa ng talambuhay na aspeto ng papel ang mga aksiyon at pagkilos ni Osias sa konteksto ng kasaysayan, pinapaksa naman ng kasaysayan ng mga kaisipan ang pag-inog ng kanyang mga kaisipan batay sa mga nakalap na batis. Nais talakayin sa mga pananaw ni Osias ang intelektuwalisasyon sa pagbubuo ng Pilipinong pagkakakilanlan.
Ayon kay Annabel Brett, mahalagang bigyang pansin na kapwa magkalahok ang kaisipan, kilos at produksiyon; at gayundin sa historical time sa mga historical agents.[16] Hindi naayong isipin na nakakaangat ang mga gawaing intelektuwal sa mga gawaing indibiduwal sa parehong antas na nakaangat ang ulo ng isang tao sa kanyang katawan.[17]
Ayon sa kanya, dalawa ang daang tinahak sa pagtalakay ng kasaysayang intelektuwal. Una, pumapaksa sa mga pag-aaral at diskurso sa wika at kaugnayan nito sa pagkilos ng indibiduwal. Pangalawa, sa pag-angat ng iba’t ibang kaisipan kung paano kinakatawan ng indibiduwal ang kanilang mundo, mula sa sarili at sa ibang tao. Batay sa mga kahulugang ito, ang paggamit ng kasaysayang intelektuwal para sa ikalawang kabanata ay hindi isang nakabukod na pag-aaral mula sa talambuhay para sa unang kabanata kung hindi isang kaugnay na pag-aaral na nakatuon sa pag-unlad ng mga kaisipan ni Osias. Ito sa kabuuan ang dalawang pangkalahatan na kalikasan ng papel. Talambuhay ukol sa mga kaganapan sa buhay ng paksa at pag-unlad ng mga kaisipan batay sa mga nabanggit na disiplina sa mga naunang talata.
Subalit sino nga ba si Camilo Osias at ano ang kanyang papel sa kasaysayan? Nabibilang si Osias sa mga unang henerasyon ng mga pensionado noong 1905 buhat sa Balaoan, La Union.[18] Isa siya sa mga nagpasok ng mga kanluraning kaisipan sa bansa mula sa Estados Unidos. Gayunpaman, sumailalim sa pagtanggap sa bansa at pag-aangkop ang mga kaisipang natutunan niya tulad ng demokrasya, kasarinlan, pagkamamamayan, nasyonalismo at internasyonalismo. Nakatulong ang mga nabanggit sa pagtamasa ng mithiing kasarinlan ng bansa buhat sa paggabay ng mga Amerikano.
Gayunpaman sa kabila ng mga panibagong pag-aangkop na ito nagdulot ito ng pagsalungat mula sa ilang makabayang manunulat na Tagalog tulad ni Jose Corazon de Jesus.[19] Tinuligsa nila ang istilo ng nasyonalismong ipinapalaganap ng mga pensionado na tinuturing na mga kayumangging Amerikano.[20]
Isa rin ang mga Sakdalista sa mga nagpakita ng protesta at hindi pagsuporta sa pananatili ng mga Amerikano sa Pilipinas.[21] Binatikos ng mga Sakdalista ang seryeng Philippine Readers ni Osias dahil sa maka-Amerikanong tema ng aklat. Ang edukasyon ang isa sa mga disiplina na matinding binantayan ng Sakdalista ng maging isa itong partido kaalinsabay ang pagmamatiyag sa usapin hinggil sa dominasyon ng Estados Unidos sa ekonomiya at ang mga panukala noon sa pagkakaroon ng base-militar sa bansa. May mga ilan ding tula na nalathala ukol sa kay Osias tulad ng “Ay… “Mister” Osias” ni Enrique Agleham na naglalaman ng mga pagbatikos sa paggamit nito ng Ingles sa halip na wikang Tagalog.[22] Bukod dito, kabilang na rin ang batikos sa  Batas Tydings Mc Duffie na nag-aantala ng sampung taon sa ipinangakong independensiya mula sa Batas Jones.[23]
 Mga pananaw na salungat na maaring tingnan bilang pantapat sa mga nagbigay-pugay sa mga pensionados. Gayunpaman, hindi pa rin maitatanggi ang ambag ng mga pensionado sa lipunang Pilipino at sa proseso ng Filipinization noong dantaon 20.[24]
Ang kanilang edukasyon mula sa iba’t ibang pamantasan sa Estados Unidos ang naging panimulang hakbang sa pagpasok ng mga Pilipinong intelektuwal sa pamahalaan. Dati-rati mga banyaga lamang ang maaring humawak ng mga posisyon sa pamahalaan at iba pang disiplina. Intinuturing si Osias na intelektuwal para sa papel na ito dahil sa bilang ng kanyang mga akda, mga talumpati at mga ipinasang batas hinggil sa iba’t ibang sektor.
Bakit nga ba si Camilo Osias ang napiling paksa ng mananaliksik para sa tesis na ito? Unang nagkaroon ng interes ang mananaliksik tungkol kay Camilo Osias dahil sa kanyang pag-aaral tungkol sa buhay at mga akda ni Jose Rizal. Itinuturing si Osias na iskolar ng Pambansang Bayani dahil sa kanyang ambag sa panitikan ng mga talambuhay at mga isinaling akda ni Rizal sa wikang Ingles at wikang Ilokano. Bukod dito naging inspirasyon ni Osias si Rizal sa kanyang iba’t ibang adhikain lalung-lalu na sa paghihikayat ng nasyonalismo at mga pananaw hinggil sa edukasyon.
Bilang isang guro at may-akda ng mga aklat pampaaralan madalas maging paksa ni Osias si Rizal upang pag-ibayuhin ang damdaming nasyonalista ng mga kabataan. Matatagpuan ang ilan sa mga ito sa aklat ni Osias na Philippine Readers na ginamit bilang teksbuk sa elementarya noong panahon ng Amerikano. Siya ang unang Pilipinong nahirang bilang tagapamanihala ng mga paaralan sa Pilipinas na nagbigay daan sa unti-unting filipinization ng mga kaguruan.
 Bilang isang resident commissioner, naging tulay din ni Osias si Rizal sa pakikipag-ugnayan sa Pangulo ng Estados Unidos at mga Amerikanong mambabatas para sa pagsulong at pagpasa ng Philippine Independence Act.[25] Ang mapayapang pamamaraan ng pagsulong ng kalayaan gamit ang talino sa pagsulat tulad ng mga akdang nalathala ang naging diplomatikong simbolismo ni Osias. Isang halimbawa nito ang Panukalang Batas na Hare-Hawes Cutting na produkto ng Misyong Os-Rox habang nanunungkulan si Osias bilang resident commissioner sa Estados Unidos.[26]
Naging delegado rin si Osias sa Constitutional Convention at Unang Asambleya ng Pilipinas at bahagi sa pagbuo ng Konstitusyon ng bansa.[27] Mula sa mga nauna ng pananaliksik nakasalamuha ang napakaraming niyang mga akda, sanaysay, batas; manuskripto at mga talumpati.


Kronolohiya ng mananaliksik: Pagsasaayos ng daloy ng kasaysayan ng mananaliksik batay sa buhay ni Camilo Osias

Ilan lamang ang mga nabanggit sa mga larangang kanyang tinahak. Tunguhin din ng papel na ipakita ang epekto ng Amerikanong sistema ng edukasyon sa mga naging tugon ni Osias bilang mamamayan sa mga hamong kinaharap ng bansa mula noong 1889 hanggang 1976. Kaanlinsabay sa paghahanap ng kasagutan sa mga ito ang paglalahad ng mananaliksik sa mga kaisipan ni Osias bilang guro, pulitiko, estadista at intelektuwal.




[1] Alfred McCoy. Lives at the Margin: Biography of Filipinos Obscure, Ordinary and Heroic. (Lungsod Quezon: Unibersidad ng Ateneo de Manila, 2000), 3.   sa pinagmulang teksto na nakasulat sa Wikang Ingles:  buhat sa katagang a record of life.Ginamit ng mananaliksik ang pagpapakahuugang ito ni Alfred McCoy hinggil sa depenisyon ng talamabuhay sapagkat isa itong maiksi at payak na depenisyon na nagbibigay linaw hinggil sa layunin ng mananaliksik para sa papel na ito.

[2] Napoleon M. Mabaquiao, “ Pilosopiyang Pilipino: Isang Pagsusuri”, Philippine Social Sciences Review, 55, 1-4 (January-December, 1998), 206. Ayon kay Mabaquiao, naniniwala siya na matagal ng mayroong Pilosopiyang Pilipino. Ayon sa kanyang opinyon, isa itong Pilosopiya kung saan ang kamalayang taglay ng namimilosopiya ay Pilipino.
Si. Dr. Napoleon Mabaquiao ay kasalukuyang Tagapangulo ng Departamento ng Pilosopiya mula sa De La Salle University- Manila mula noong 2009. Siya rin ang Graduate Program Cooordinator ng nasabing departamento mula noong 2006 hanggang sa Kasalukuyan. Naging Pangalawang Tagapangulo rin siya  ng Departamento ng Pilosopiya ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman noong 1996-2002.
Nagtapos siya ng kanyang batsilyer sa Pilosopiya bulang Magna Cum Laude sa Unibersdiad ng Pilipinas noong 1987. Nakapagtapos naman siya ng kanyang Masterado sa Pilosopiya noong 1993 buhat din sa parehong Unibersidad. Nagawaran naman siya ng Mataas na Pagtatangi para sa kanyang  PhD sa De La Salle University-Manila noong 2004 at naparangalan ng Gintong Medalya para rito.  Pagdating sa larangan ng pananaliksik kabilang sa kanyang mga interes ay ang kaisipan, wika at etika sa negosyo. Para sa papel na ito ginamit ng mananaliksik ang kanyang isinulat na  Pilosopiyang pilipino: Isang pagsusuri. sa Philippine Social Sciences Review. Vol. 55, nos. 1-4. Unibersidad ng Pilipinas-Diliman: College of Social Sciences Publications.

[3] Nick Salvatore. Biography and Social History: An Intimate Relationship. The History Cooperative Website. http://www.historycooperative.org/journals/lab/87/salvatore.html, ika-1 ng Abril, 2010.

[4] Fernand Braudel. “History and the Social Sciences,” sa Peter Burke, ed., Economy and Society in Early Modern Europe: Essays from Annales, (New York: Harper, 1972), 11-42.

[5] Braudel. “History and the Social Sciences,” sa Peter Burke, ed., Economy and Society in Early Modern Europe: Essays from Annales, 11-42.

[6] Charles Wright Mills. The Sociological Imagination. (New York: Grove Press Inc., 1959), 3.

[7] Ibid.

[8] Resil B. Mojares: Brains of the Nation: Pedro Paterno, T.H. Pardo de Tavera, Isabelo de los Reyes and the Production of Modern Knowledge. (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press.), 494.

[9] Ibid.

[10] Leopoldo Yabes. Two Intellectual Traditions: An Introduction. (Lungsod Quezon: Limbag ng may-akda, 1963), 20-21.

[11] Ibid.

[12] Roland C. Sintos. “Empire and Education: Filipino Schooling Under the United States Rule From 1900s to 1910.” Disertasyon, Unibersidad ng Ohio, 2004, 81- 87.

[13] Resil B. Mojares, Brains of the Nation: Pedro Paterno, T.H. Pardo de Tavera, Isabelo de los Reyes and the Production of Modern Knowledge, 492, 495. Ipinatupad noong panahon ng Amerikano ang patakarang Filipinization. Nagbukas ito ng maraming pintuan sa mga intellectual elite sa sektor ng edukasyon  at pamahalaan. Tumutukoy din ito sa papapakilala ng mga bagay na may kinalaman sa Filipino tulad ng pagsusulat ng mga teksbuk para sa pampublikong paaralan, pagsusulat dito ng mga pambansang bayani tulad nina Rizal at Bonifacio, pagwawagayway ng bandila ng Pilipinas at pag-awit ng Lupang Hinirang.
Iniuugnay din dito ang Filipinism bilang nagbagong anyo ng revolutionary nationalism. Isang mabait at konserbatibong pananaw ng paglikom, pagpapanatili, at pagpapaunlad ng mga tradisyong native at kombinasyon ng mga pinakamabuti buhat sa kultura ng Kanluran.

[14] Ibid.

[15] Resil B. Mojares, Brains of the Nation: Pedro Paterno, T.H. Pardo de Tavera, Isabelo de los Reyes and the Production of Modern Knowledge, 492, 495.

[16] Annabel Brett, What is Intellectual History Now?, sa David Cannadine, patnugot, What is History Now? (New York: Palgrave MacMillan Ltd. 2002), 113-115.

[17] Ibid.

[18] Camilo  O. Osias. The Story of a Long Career of Varied Tasks, (Lungsod Quezon: Manlapaz Publishing), 14.

[19] Jose M. Hernandez, “Camilo Osias-Man and Dynamo,” Philippine Review, Nobyembre, 1943 sa Bananal, Eduardo. Camilo Osias: Educator and Statesman, 4. Kinilala rin si Jose Corazon de Jesus bilang si Huseng Batute.

[20] Virgilio S. Almario, Patnugot, Sa Dakong Silangan at mga Tulang Pasalaysay ni Jose Corazon de Jesus. (Maynila: Sentrong Pangkultura ng Pilipinas at ng National Commision for Culture and the Arts, 1995),ii-iii.

[21] The People of the Philippine Islands for the Immediate and Complete Independence through the Sakadalista Party, (Maynila, P.I., Sakadalista, 1935), 1-15. Nag-ugat ang katawagan sa Kilusang Sakdal o mga Sakdalista mula sa Tagalog na salitang sakdal. Katumbas nito ang wikang accused sa wikang Ingles. Itinatag ito ni Benigno Ramos, dating kaalyado ni Manuel Quezon na bumukod sa Partido Nacionalista dahilan sa usapin ng kolaborasyon. Noong dekada 1930 aktibong kinampanya ng mga Sakdal ang kasarinlan ng bansa sa ilalim ng Pamahalaang Amerikano. Matagumpay ang naging karerang pulitikal ng Sakldalista noong 1933, dahil dito nagtangka silang maglungsad ng rebelyon noong 1934 subalit agarang nasupil. Lubhang napinsala ang partido at marami sa kanilang kasamahan ang  namatay. Pumunta si Ramos sa Tokyo kung saan hiningi niya ang suporta ng mga Hapon. Muli siya babalik sa bansa noong sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pangdaigdig at magiging kaalyado ng mga Hapon. Itinatag niya ang partidong ganap na naglayong ipalaganap ang propagandang maka-Hapon.

[22] Enrique Agleham, “Ay… “Mister” Osias”, Sakdal, ika-9 ng Hulio, 1932, blg. 99, 4.

[23] The People of the Philippine Islands for the Immediate and Complete Independence through the Sakadalista Party, 1-15.

[24] Mojares, Brains of the Nation, 492, 495.

[25] Osias, The Story of a Long Carrer of Varied Tasks, 50-55.

[26] Camilo O. Osias at Mauro Baradi. The Philippine Charter of Liberty, (Baltimore, Maryland: The French Print , 1933), 4. Pinangunahan nina Senador Sergio Osmeña at Pangulo ng Kapulungan na si Manuel Roxas ang Os-Rox Mission na nagsulong sa tinawag na Hare-Hawes Cutting Act noong 1933. Ipinangalan naman ang Hare-Hawes Cutting Act kina Representative Butler B. Hare ng South Carolina, Senador Harry B. Hawes ng Missouri at Senador Bronson Cutting ng New Mexico.

[27] Osias, The Story of a Long Carrer of Varied Tasks, 222.

No comments: