Skip to main content

Posts

Showing posts from December, 2018

Bagong Taon

Pagdating sa dulo ay bagong simula Ang nakalipas na taon ay nagpaalam na. Pighati ng nakaraan ay nalampasan mo na Pag-asang hatid ay nariyan na Ningas Kugon ay huwag tayong maging Puno lamang ng pangako habang nasa piging Baguhin ang mali at ang buluktot ay ituwid Kapayapaan at kaligayahan sa kapwa'y ipabatid Aking hiling sa bagong taon Ang naghihirap ay makaahon Ang lugmok ay muling makabangon Ang nakikitil ay makakawala sa kahon Ano mang minimithi ng iyong puso Makamtan mo nawa ng buong buo Ano mang pangarap ay abot kamay mo Maniwalang ang bagong taon ay para sa iyo. By: Vmmcc Dec. 31, 2018

Takip Silim

Sa masalimuot na paglalakbay  Nitong ating buhay Lahat ay nakahandang ialay Para sa inaasam na tagumpay Lasapin ang liwanag at sikat ng araw Upang mapawi ang pusong uhaw Sa bawat ilog, paa'y magtampisaw Sa mapuputing ulap ay makipag-ulayaw Sa dakong paroon at parito Saan nga ba tayo patungo? Daang sanga-sanga at paliko-liko Sadyang nakakalito at nakakaliyo Pagdating ng takip-silim At sa paglalim ng dilim Mga paang naglalakbay ay mapapagod din Dalangin sa may Kapal manalig na didinggin Kapayapaan sa puso'y siya ring mananaig Pagkatapos lakbayin ang mga sulok ng daigdig Magwawakas din ang malayong pagliligalig Sa Diyos at pamilya'y laan ang wagas na pag-ibig Written by: Vmmcc December 26, 2018